Isang Maalab na Pagbati!

"Ang hindi magmahal sa kanyang SALITA
mahigit sa hayop at malansang isda."
-Jose Rizal

Miyerkules, Setyembre 19, 2012

Paano papawiin ang pangungulila?

Paano papawiin ang pangungulila?
ni Jenny Linares
Sept 19, 2012


Lumuluha ang langit,
maingay, walang humpay
tahimik lamang ako
hinahayaang ang langit
ang lumuha para sa akin


Hindi dapat lumuluha
ang tulad kong maligaya
Hindi dapat lumuluha
ang tulad kong nagmamahal


Ngunit…
ako’y
higit pa sa nasasabik


palagi’t palagi

hinahanap ka ng puso ko,
hinahangad kong masilayan kang muli,
mahaplos ang iyong maamong mukha,
mahagkan ang iyong mga labi,
madama ang init ng iyong yakap
na puno ng pag-ibig…
hinahangad kong
makapiling ka,
kahit sandali…


Ngunit….
Paano?
Paano?
Paano ko mapipigil
ang pusong ibigin ka
nang
husto?


Mahal ko,
paano ko papawiin
ang pangungulila sa iyo?


Martes, Setyembre 18, 2012

Sa landas ng tunay na pag-ibig

Sa landas ng tunay na pag-ibig
Sept 18, 2012
Original title: Mahal kita
ni Jenny Linares

Tumatakbo ako noong unang gabi,
inayos ko ang magulong buhok,
pinalitan ang lumang unipormeng suot,
naglagay ng konting kolorete
upang magmukhang kaaya-aya,
katanggap-tanggap,
at nang hindi ako mapahiya…


hinahabol ko ang panahon,
pagkat alam kong kailangan na tayong magtagpo
matapos ang ilang dekadang paghihintay
ng ating tadhana.


Malakas ang ulan, malamig ang gabi
masasal ang tibok ng dibdib sa paghihintay ko
sa iyong pagdating.


Nakimi ako nang tawagin mo ako
sa aking pekeng pangalan,
nang alalayan mo ako,
nang makita ko ang maganda mong ngiti,
at nang mabanaag ko sa  mga mata mo ang rikit ng iyong pagkatao.
Nahiya ako ngunit kinilig nang sabihin mo sa aking ‘napakaganda ko.’


Nang hagkan mo ang aking kamay,
nang buong paggalang at pagsuyo...
mahal na kita.

Tumatakbo ako isang hapon,
naliligaw sa gitna ng magulong mundong
alam kong kailangan ko nang iwanan.
Maraming tao, maraming maraming tao…
mabaho, maingay, maalinsangan, makulimlim, maulan,
walang tiyak na kaligtasan,
bagama’t naroon ang simbahang bumuo sa aking katauhan.


Sinabi kong hindi mo ako matatagpuan,
mahihirapan ka.


Ipinilit mong mahahanap mo ako,
maililigtas mo ako,
mapupuntahan mo ako.


Sa gitna ng aking pagkahilo’t pagkapagal
sa kasuklam-suklam kong kinalalagyan…


niyakap mo ako.

dumating ka.

Wala na akong kasing ligaya nang matagpuan kita;
wala akong pagtutol nang hawakan mo ang aking kamay,
alam ko noon….
alam kong mahal na kita.


Tangan mo ang aking kamay,
mapagmahal ang iyong pag-alalay…
sabay tayong sumakay sa dyip,

tayo na lamang ang magkaakbay,
tinahak natin ang bago at tamang daan


palayo sa ating nakaraan.
 

 

 

Linggo, Setyembre 2, 2012

Pag-ibig

Pag-ibig
ni Jenny Linares

Sept 2, 2012

Minsan, bumukal sa aking puso
ang marikit na damdaming sa iyo’y itinatago
Sumabay sa ritmo ng musikang
akala ko’y tanging ako lamang ang nakaririnig,


tumugtog ang biyolin,
nagsayaw ang mga anghel sa langit.
Nagdiwang ang sanlibutan
sa ating pagniniig,
maging ang buwang miminsan lamang kung mapadaan
sa malungkot na daigdig,
ngayo’y makalawang ulit ang kaganapan
pagkat may pag-asa’t
pag-ibig
kung muling susubukan,
sa pagkakataong ito—
oo, tayong dalawa na
sa pagkakataong ito
tayong dalawa na lamang.


Hindi na mapipigilan
ang takda ng Kapalaran
na ikaw at ako
sa isa’t isa nakalaan.
Dalawang pusong nagtagpo
sa kakaibang tadhana;
ayaw mang pangunahan ang ibig ni Bathala,
umaasam pa ring tayo ang nakatakda.
Sapagkat sino nga ba ang mag-aakalang
may pag-ibig na sisibol
sa ating dalawa;
na matapos maligaw
at magkalayo
sa takbo ng panahong kay tagal bago nahinto upang tayo’y magtagpo—
sa huli tayo’y magkapalad pala.

 
Hindi na tayo matatakot sa mga kasawian ng buhay
sapagkat sa ating pagsinta,
ang lahat ay sasapat,
ang lahat ay maaayos.

 
Hindi na tayo matatakot lumuha
sapagkat narito na ang panahon ng ligaya.
 
Hindi na tayo matatakot
sa mundong kung minsan ay kay lupit
sapagkat ipaglalaban natin
itong ating pag-ibig.

 
Wala nang magiging hadlang,
wala nang hindi kakayaning lagpasan,


pagkat sa pag-ibig na itong ngayon lamang natin kapwa natamo,
 
atin ang mundo.

Miyerkules, Agosto 29, 2012

Kung ikaw ang mawawala

Originally titled: Natatakot akong ibigin ka
by Jenny Linares
written: August 28, 2012

Natatakot akong ibigin ka
ni Jenny Linares

Dumating ka sa aking buhay
nang walang pahiwatig.
Walang kaabog-abog,
namalayan ko na lang na naririyan ka na.

Binuksan mo
ang dating nakapinid nang pinto
ng aking puso’t pag-asa.
Namalagi ka sa aking tabi
bagaman lunatiko ako,
manhid, bulag, baliw,
at malaon nang nawalan ng kaluluwa;
nasusulyapan ko,
sa dulo ng aking mga mata,
naroroon ka na
sa aking tabi—
at nang miminsang sinubok kong lumingon
sapagkat nadarama kong tila hindi ka natitinag,
hindi ka umaalis—
hanggat hindi ako namumulat at nagigising sa aking kabaliwan;
nang miminsang sinubok kong lumingon,
naroon ka nga!
Nananatili, naghihintay
sa kabila ng aking matagal nang pagkakahimlay
at pagkakatulala
at pagkakatitig
sa iisang pader
isang malamig na batong walang ibinalik sa akin
kundi ang lamig at dilim ng gabi.

Lumingon ako
at natagpuan kita.

Nagtagpo ang ating mga puso.

Unti-unti, kinausap mo ako…
akong siraulo, akong hangal, akong masama…
akong wala nang liwanag sa mga mata,
wala nang tiwala ang puso.
Nagtiyaga kang makinig sa mga kuwento kong
ikinabingi’t sinawaan na ng lahat kong kaibiga’t
mga dating kasamang
sa pagbagsak ng mga dahon ay
isa-isa akong nilisan.

Araw-araw,
tinatanong mo ako
ng mga bagay na dati’y wala sa aking nagtatanong…
inaalala mo ang mga bagay tungkol sa akin
na dati’y walang nakakaalala…
ginusto mo ako,
inaalagaan, inaaruga,
minamahal
mula ulo hanggang paa,
lahat ng mumunting kibot ko’t galaw
lahat ng mga bulong ko, luha’t palahaw
lahat ng sinasabi ko’t
lahat ng di ko masabi….inibig mo,

Inibig mo sa akin
ang lahat
inibig mo maging ang mga dating inaayawan ng iba.

Inibig mo ako sa kabila ng lahat kong alinlangan,
ng lahat ng aking kahihiyan
ng lahat ng aking takot.

Pinalitan mo ang lumang payong ko, 
na sira-sira na’t hindi ko na magamit
na pananggalang sa ulan
ng araw-araw kong buhay.

Lahat ibinigay mo na,
lahat pinalitan
lahat inayos
lahat inaayos….

Ngunit takot pa rin akong sa pagdating ng sigwa,
muling lulubog ang lunday
na pinagtiwalaan kong ihahatid ako
sa kapayapaan.

Natatakot pa rin akong muling mawasak
ang pinto ng pag-ibig na aking muling binuksan,
at mabigo ang mga pag-asang muli kong binuhay.






Nangangamba ako,
pagkat kung muli akong luluha…


pagkat kung ikaw ang mawawala….







tuluyan na akong mamamatay.




Lunes, Agosto 27, 2012

PAALAM SEC JESSE

Paalam, Sec Jesse
 ni Grace Gonzales

Ilang araw nang masakit ang dibdib ko dahil kay Secretary Jesse Robredo. Kadarating ko mula sa M.A. class noong Sabado nang salubungin ako ng balitang nag-crash ang eroplano ni Sec Jesse. Sabi ng kapatid ko, "Ate, eroplano ni Robredo nag-crash!" agad kong naramdaman ang magkahalong kaba at kirot sa puso. Sabi ko agad, si Secratary Robredo?! Shet! Bakit siya pa? Anong nangyari?" Sabi ni kapatid ko,  "nawawala pa siya!" Medyo nakahinga ako nang maluwag. Sabi ko, "Andyan lang 'yun! Bukas nandyan na yun!" Kumapit ako sa pag-asang buhay si Secretary Robredo. Sa media, halos hindi binabaggit na wala na siya. Maingat ang lahat. Walang may gustong tumanggap na wala na si Sec Jesse. Ganun din ako, hanggang dulo hindi ako umiyak. Hindi ako humagulgol na tulad ng pag-iyak ko noon nang mawala si Dolphy. Hanggang sa pagkakataoang inaanunsyo ni Mar Roxas ang pagkakatagpo sa katawan ni Sec Jesse, ang sakit tanggapin.

Noon pa, mahal na mahal ko na si Sec Jesse. Hindi ko man siya personal na kilala, sa bahay, paborito namin siyang bahagi ng Gabinete ni Pnoy. Awang-awa nga kami sa kanya noong hindi siya ma-appoint appoint na Secretary ng DILG. Noon pa, gustong-gusto na namin siya. Kaya nga sabi namin, bakit siya pa, bakit hindi na lang si ____ o si ____ na mga taksil sa gobyerno ni Pnoy. Nagduda din kami na baka may foul play ang nangyari kay Sec Jesse, dahil nga sa delikadong trabaho niya.

Marami na tayong narinig na papuri sa kabutihan ng pagkatao at ng pamumuno ni Sec Jesse. Nakakalungkot lang na hindi napapansin ito ng mga tao noong nabubuhay pa siya. Noon, lagi lang siya sa isang tabi. Masyadong nanahimik ang kadakilaan niya. Hindi kasi siya mahilig umepal. Ngayon, natutuwa ako, na sa wakas, sa wakas...nabatid ng lahat ang mga dahilan kung bakit siya ang pinakagusto naming miyembro ng Gabinete ni Pnoy.

Walang kapantay si Sec Jesse. Sana sa pagkawala niya magkaroon tayo ng inspirasyon na tularan siya. Para kung tayo man ang mawala sa mundong ito, may maiwan tayong magandang alaala sa bayan. 

Patuloy kang mananahan sa aming mga puso, Sec Jesse. MAHAL NA MAHAL KA DIN NG MGA CAVITENO! 

DIOS MABALOS!!!!

Ikaw

Ikaw
ni jenny linares

Madalas akong naliligaw sa landas ng buhay,
tinatahak ang karaniwang daang
matagal ko nang kinasanayang lakaran...

maputik, mabato, madilim
at tila walang patutunguhan...

ngunit dumating ka....

pilit mong nililinis ang putik sa aking katawan
inalalayan ako sa mas maliwanag, mas panatag na daanan,
at kahit alam kong
hirap ka din sa sarili mong landas,
sa kalyehong buong buhay mo nang tinatahak,

naghain ka pa rin ng iyong mga plano't balak

hindi sasapat itong mga salita,
ang anumang tula ko'y mananatiling hamak
para ipagpasalamat
sa iniaalay mong pagliyag

Mahal ko...salamat..

bumabangon akong may ngiti sa labi
may galak sa puso
may pag-asa sa kaluluwa,
pagkat, mahal ko, sa wakas...
narito ka na.

Ikaw lang ang nais ko,
wala nang iba,
maliban sa pag-aasam kong
sa huli

mahal ko,
sana'y tayong dalawa.

Sabado, Hulyo 21, 2012

Pagbati sa bagong batch ng MA FILIPINO

Binabati namin ang mga bagong sibol ng pag-asa ng MA Filipino ng Pamantasang De La Salle Dasmarinas:

Joana Cayago

Jocelyn Maala

Lianne Frances Lim

Lynn Buag

Adreilyn Velando

Jories Fermin

Amor Angel Meneses

Rachel Gutierrez

Roceli Jacosalem

Carmina Villanueva

Gloria Manalo

Lunes, Hulyo 16, 2012

Walang Kamatayan ang Komedya


ni Grace Gonzales

Apat na araw na akong lumuluha dahil sa paglisan ng ating pinakamamahal na Hari ng Komedya, Rodolfo "Dolphy" Vera Quizon. Hindi maunawaan ng ilan ang pagbuhos ng masaganang luha sa mga mata ko nitong mga nakaraang araw, bata pa raw ako, bakit daw ako apektadong-apektado sa pagkawala ni Dolphy (na lihim kong tinatawag na Tito Dolphy keber kung hindi kami close!) Sa aking palagay, hene-henerasyon ang napaligaya ni Tito Dolphy. Henerasyong Facifica Falayfay. Henerasyong John en Marsha. Henerasyong Home Along da Riles. 

Pero paborito ko talaga ang pelikula niyang "Beatnik," ang unang eksena nito ay bumaba si Dolphy sa eroplano, at nag-aabang si Susan Roces sa baba. Naaliw ako kasi ang cute ni Dolphy, kamukha niya si Lufi ng One Piece, isang sikat na anime character ng aming henerasyon.  Bukod doon, kitang-kita rito sa nakakaaliw na pelikulang ito ang kanyang husay sa pagsasayaw at pagkanta. Paborito ko rin ang "Jack en Jill,"  ang cute talaga ni Dolphy dun, baklang-bakla siya dun! Kaso kawawa siya dun lagi siyang napagti-tripan por que nga bakla. Pero kahit kinakawawa siya dun ng ibang karakter, sobrang nakakatawa at the best talaga ang naging pagganap niya, at ipinakitang may mabuting puso na handang ialay ang buhay para sa kapakanan ng kapatid. Sa husay niya dito, siya ang nag-set ng standard sa pagbabakla sa pelikula. Dahil sa kanya rin, unti-unting natanggap ng madla at napamahal ang dating mahigpit at konserbatibong lipunan sa mga miyembro ng ikatlong kasarian.


Sa mga nabuhay noong dekada 90, sino ang makakalimot sa Home Along da Riles. Pihadong marami pa rin sa'tin ang kabisado ng kanta dun, "Home Along da Riles, Home Along da Riles, ito ang aming home sweet home...umuulan, lumilindol kumapit ka, kumapit ka, kung ayaw mong magkabukol...too-toot!"  Masusukat ba kung gaano natin minahal ang karakter ni Mang Kevin na laging may nakahandang solusyon sa problema ng kanyang mga anak, at laging may mga payong nagpapakita ng mahahalagang aral sa buhay? Si Baldo, si Ason, si Mang Tomas na laging kumakanta't nagigitara at mga sunog-baga na larawan ng masa? 

Tandaan nating hindi rin matatawaran ang pagganap niya sa "Markova, Comfort Gay" na pinarangalan pa sa Brussels. Nanalo siya dito ng Best Actor at Best Actress. Ang Facifica Falayfay na mala-Lady Gaga ng dekada 60, at ang makabuluhang pagganap niya sa "Ang Tatay kong Nanay," ni Lino Brocka na nagpakita ng noo'y sensitibo at bagong isyu ng isang baklang ama. At siyempre, pinakamalapit sa puso ko ang "Rosario" ni Albert Martinez kung saan gumanap siya bilang Tito Jesus ng mabuting  presidente ng TV5 na si Manny V. Pangilinan. (Tungkol sa lola ni MVP ang Rosario.) Nanalo siya ng Best Supporting Actor dito sa huling pelikulang kanyang ginawa. Talaga namang siya ang nagpaluha nang husto sa mga taong nanood sa "Rosario," dahil sa husay ng kanyang pagganap.

Hindi ko mapaniwalaan ang isang propesor na siyang humarang sa pagkakaroon ng National Artist Award ni Dolphy noong 2009, na nagsabing kinutya ni Mang Dolphy ang mga bakla at ang masa. Baligtad ang pagtingin ng propesor na ito na sarado ata ang utak o sadyang hindi nakapanood o hindi marunong umintindi sa mga palabas at  pelikulang Dolphy. Sa paningin ko, bagama't hindi ako kritiko ng pelikula o kasapi ng NCCA, dinakila pa nga ni Dolphy ang kabutihang-loob, kababaang-loob, kasipagan, at pagtitiyaga ng masa, at ipinakitang mas mahalaga ang pamilya kaysa sa yaman, ang kabutihan kaysa kasakiman. At ang tunay na kaligayahan ay wala sa materyal na bagay, kundi sa pagsasamahang maganda ng bawat pamilya.

Pero gaya ng paulit-ulit na nating naririnig sa telebisyon, wala ang karangalan sa pangalan ng award, sa plake at sa laurel. Nasa puso iyan ng tao. Kaya para akin, isang tunay na National Artist ng Pelikulang Pilipino si Mang Dolphy. Bukod pa sa tunay na napakabuti niyang tao, napasaya niya ang mga Pilipino iba't iba man ang edad. Tapos na ang Ginintuang Panahong Dolphy. Ang Ginintuang Panahon ng Komedya. Ang Ginintuang Panahon ng Tunay na Talento. His death marked the end of an era. Pero magpapatuloy ang alaala ng kanyang kabutihan at komedya sa puso ng bawat Pilipino. 

Walang kamatayan ang komedya ni Dolphy. Walang kamatayan si Tito Dolphy.
Magpakailanman minamahal siya hindi lamang ni Zsazsa, kung hindi maging ng mga simpleng tao tulad ko, tulad naming lahat, na hindi nakapunta sa burol o libing, ngunit tunay na nagmamahal, umiiidolo, nagluluksa, makaaalala din sa kanya...habambuhay. Tunay na napakapalad nating lahat na inabot pa natin ang kariktan ng bituin ni Dolphy sapagkat nag-iisa siya, at dumaan man ang ilan pang dekada...siya pa rin ang tunay na HARI NG KOMEDYA.

MAHAL KA NAMIN TITO DOLPHY! MARAMING MARAMING SALAMAT PO!



Sabado, Hunyo 2, 2012

Date me (?)

by Grace Gonzales

Recently, I have received invitations that I have not heard of these past few years. Actually, I don't date.

Well, this would be my response in case somebody would insist to treat me even just for a meal:

Dinner? I love fine dinners on Friday nights. Spice up the night with a light wine and dessert and end our meeting with sweet songs in your car.

Saturdays, I love eating out on afternoons in a simple fastfood instead of a classy resto.

I don't go out on Sundays. =)

Linggo, Mayo 13, 2012

Kanta, Tula at Kandila (Una sa serye)

ni Grace Gonzales


(Kanta)
Para sa butihing inang ginigiliw
ang nais awitin, awit ng pag-ibig
Di man matumbasan iyong mga sakit
ngayon sana'y dinggin, salamat kong dalit
Munting alay lamang itong aking hatid

Kulang itong tinig kung aawitan ka
Inang, aking buhay, lubha kang nagdusa
Siyam na buwan nga, ako'y 'yong dinala
Saka nang isilang ako't nang musmos pa,
walang araw na 'di ikaw ang kasama.

Sa aking paglaki, ako'y napasama
dating daraanang tama at dakila 
Ngayo'y nabaluktot, nalito, nawala
Sa dami ng poot noong pagkabata
Nilimot kong lahat ang tinurong tama.

Ngunit sa kabilang ako'y pariwara
hindi ka nagbago, bagkus ay nagtyaga
Ako ay akayin, bigyan ng babala:
"Anak, huwag magkimkim, sila ma'y masama,
ganti ay sa Diyos, bahala'y tadhana."

Ako nga'y nagbalik, nagsikap mag-aral
hanggang nakatapos, binawi ang dangal
Ikaw pa rin, Ina, laging gumagabay
Nang 'di magkamali't malubog sa hukay
Pinuspos mo ako ng 'yong pagmamahal

Kaya naman Mama, sana'y sumaya ka
Espesyal na araw ng lahat ng ina
Wala akong bigay na kahit ano pa
Walang rosas o keyk, lalong walang pera
Kaya't 'di man sapat, pagdamutan mo na
Dasal kong ikaw po laging maligaya.




Lunes, Mayo 7, 2012

Unang Ulan ng Mayo

ni Grace Gonzales

Naligo ako sa ulan noong Mayo uno, kung kailan unang pumatak ang ulan dito sa Dasmarinas Cavite ngayong buwan ng Mayo. Kagagaling ko lang sa sakit noon at dahil sabi nila, gamot daw ang unang ulan ng Mayo, sinubukan ko. Isa pa, naaliw ako dahil nagkataong sa unang araw mismo ng Mayo naganap ang "unang pag-ulan sa Mayo." Inisip kong suwerte ito, dahil bihira itong mangyari. Karaniwan kasi itong tumatapat sa kalagitnaan o sa bandang dulo ng buwan. Matagal ko nang alam ang tungkol dito, simula noong bata pa ako ay sinasabi na ng mga kamag-anak ko na puwede kaming maligo sa ulan kapag unang beses sa buwan ng Mayo, matapos ang mahaba-habang tag-araw. Pero wala akong maalalang naligo ako sa Agua de Mayo noong bata pa ako. O baka sadyang marami lang akong hindi matandaan dahil siguro sa epekto ng mga gamot sa katawan ko.

Balik tayo sa kasalukuyan. Noong May 1, umulan nang malakas. Natuwa ako dahil ilang araw nang sobrang init at pakiramdam ko kung hindi ako matutuyot ay mamamatay na ako sa init. Kaya ipinasya kong isahod ang kamay ko sa mga patak ng ulan. Isang kamay muna, kaliwa. Nang maramdaman kong masarap ang tubig, ginawa kong dalawang kamay, hanggang sa binasa ko na rin ang buong braso. Nakita ko ang matandang kapitbahay na si Ate Linda na naliligo sa ilalim ng buhos ng alulod, at pagkatapos ay naligo ng sabaw ng buko. Nakita naman ako ng Mama ko, at dahil nag-aalinlangan ako kung maliligo rin o hindi, natuwa ako nang sabihin ni Mamang, "Lakad, maligo...tumapat ka dun sa malakas." Kakaiba ang pagkakataong iyon para sa akin, si Mama ang tipong sa sobrang paprotekta sa akin noong bata ako ay ayaw akong paliguin sa ulang ito. Sa galak ko sa pahintulot ni Mama ay parang bata akong naligo sa ilalim ng ulan--ang pinagpalang ulan ng Mayo--nag-iisa sa mundo, pinaglangkap na pagpapala ng Birheng Maria at ng pananampalatayang Pilipino. Napakasarap ng ligong iyon. Parang noon lamang ako naligo sa buong buhay ko. Ang sarap ng pakiramdam ng kalayaang tawirin ang tulay na buong buhay kong hinintay--sa wakas--pagligo sa ulan! Hindi ko alintanang noon ay naka-sando at shorts lamang akong manipis at kapag may mga lalaking dumaraan ay napapatingin. Pakiramdam ko, bata lamang ako.

Higit ang sayang naramdaman ko nang matapos ang ulan. Madalas akong nauulanan sa trabaho, pero iba pala talaga ang unang ulan ng Mayo. Sa karaniwang ulan, mabigat ang mga patak at mainit, at maya-maya'y nakasasakit na ng ulo, nakakaubo at nakakasipon at nakakalagnat. Pero sa paliligo kong ito, sinabi ko sa Mama ko, "Mama, iba pala talaga!" Parang bendisyon ng pari, ang eksaktong sinabi kong paglalarawan tungkol sa pakiramdam matapos akong maligo sa Agua de Mayo. Hindi ko maipaliwanag, pero iba ito sa maraming beses na naulanan ako. Mahiwaga talaga ang matatandang paniniwala. Ganoon pala. Iyon pala ang sinasabi nila. Minsan, talagang dapat ding paniwalaan ang mga sinaunang paniniwala, mga paniniwalang batay sa karanasan ng ating mga ninuno, at pilit na iwinawaksi ng modernong panahon.

Sabado, Abril 21, 2012

Kahulugan ng mga Bulaklak

Ni Grace Gonzales

Nitong mga nakaraang araw, nakakita ako ng lumang notes. Gusto kong ibahagi ang laman nito sa inyo bago ko pa maiwala ang munting papel na sinulatan ko. Isa ito sa mga candid lectures at trivia na ibinahagi sa amin ni Sir Pil, isang araw na wala lang, nagkatuwaan lang, mga dalawang taon na ang nakakaraan, sa dating kuwarto ng Kagawaran.

Heto daw ang kahulugan ng bilang ng mga bulaklak, kapag ibibigay sa isang dalaga:

Isang pirasong bulaklak : "I care."
Long stemmed - Espesyal na pinili para sa iyo. Marami raw kasing nasakripisyong bulaklak para makuha ito.
2 pieces - "I want to know more about you." o kaya, "I want to get intimate with you."
3 pieces - " I LOVE YOU" 
5 pieces - "I love you very much."
6 or more pieces (tinatawag nang bouquet) - ang bouquet ay sumisimbolo sa "forever" kaya kapag lumalakad ang bride papunta sa altar na may dalang bouquet, siya ay naglalakad patungo sa "forever"

At tandaan: there are only two words in love: YOU and FOREVER. (Kapag ang nasa isip mo ay you and "I", ibig sabihin, iniisip mo pa rin ang sarili mo, mas maganda daw kung ang nasa isip mo ay ang taong mahal mo, magpasawalanghanggan.)

Hope you like it! =)

Miyerkules, Abril 18, 2012

Texts and real messages I treasure (recently)

ni Grace Gonzales


Napakaganda ng buhay. Mas nagiging makulay kung may mga taong alam mong nagmamahal sa'yo, sabihin man nila o hindi.


Sino ba naman ang hindi matutuwa kung napapalibutan ka ng mga taong nagpapadama sa'yo na mahalaga ka, nagpaparamdam sa'yo na handa silang tumulong, o nagbibigay ng mga simpleng mensahe na nagsasabing bahagi ka ng buhay nila, at kahit paano, may halaga ka? Ang sarap sa pakiramdam.


Narito ang ilang mga ipinadalang mensahe sa akin ng ilang tao. Ang mga mensaheng ito ay talaga namang kumurot sa puso ko. Kaya naman sa inyong lahat, maraming salamat...


"Humor is a sweet part of our existence. Laugh at your own mistakes but learn from them. Joke over your troubles but gather strength from them." Mula kay Lovellie, best friend ko noong high school. Katulad ko, mahilig siya sa mga quotes, kaya magkasundong-magkasundo kami, kahit noon. Buo pa rin ang tropa namin hanggang ngayon, kahit hindi kami nagkikita o nagkakausap nang madalas, nanatili ang aming pagkakaibigan. Ang dalawa pa sa tropa ay si Rina, na isang chemist, at si Marjorie, ang kasalukuyang Top 1 sa PNPA. Terrestris ang pangalan ng tropa namin.

"Alam mo, Grace, tama ka. May mga problemang hindi natin hawak, hindi natin kontrolado. Natutunan ko 'yon sa'yo." mula kay Rina, sa tropa, siya ang madalas kong kaaway o hindi kasundo. Nagkasundo lang kami lately, nitong matatanda na kami at nagkausap nang puso sa puso.


"Okay, bunso. Don't worry. Isinet ko talaga 'yan para sa'yo, para sa inyo." from Sir Natz Golla, kasamahan ko sa Kagawaran, na bukas-loob na naghandog ng mga tulong na hindi madaling mahagilap.


"Huwag kang matakot sa kanila, sabihin mo sa kanila, may abogado ka ring kausap!" from Atty. Fauni na hindi ko pa gaanong kilala, pero tinulungan ako nang walang alinlangan.


"Ang prayer ko sa'yo complete recovery at healing, bubbly girl! Hope to see you soon."  from Ma'am Cynthia Nartatez, kaklase ko sa MA Filipino. Napakabuting tao, naaalala ko ang nanay ko.


"Hindi daw art? Ang tawag dun ay art of expression. Elibs na naman ako!" Mula kay Von, isang dating estudyante, at tagahanga sa pagsulat.


"____, ang galing niyo palang sumulat ng maikling kuwento." mula kay Larry, inspirasyon sa isa sa mga akdang isinulat ko.


"Sana sinabi niyo na hindi niyo na kaya ang sakit! Sana nagpadala na kayo sa ospital!" mula kay IC, dating estudyante na ngayon ay isang kaibigan ko na.


"Ngayon ang birthday ng anak ni Maritess, punta ka sa address na toh, ha. Ngayon na." Enrico, beking kaibigan na agad daw akong napuna noong summer class, dahil sa nagpe-flames ako sa whiteboard, pine-flames ko daw sarili ko kay Prince William.


"Maaga pa, alas nuebe lang, pupuntahan kita ngayon, wag kang makulit! sasanahan kita kung wala ka kasama, dadalhin kita sa ospital!" Maynard Martin, ang aking kaibigan sa MA Filipino na hindi ko akalaing magiging sobrang totoo kong kaibigan. Wala nang katulad ang ganda ng ugali niya.


"Baka kailangan mo ng kausap ha?" Mam Dena, ang nanay ng MA Filipino. Bait ni Ma'am, kahit minsan lang kami magka-bonding, kakaiba pa rin ang lalim ng samahan talaga naming magkakaklase.


"Ano bang nangyari sa'yo? Alam ba ng ___ mo yan?" Ma'am Jeng Arroyo, ang aking boss sa Kagawaran, na alam kong mahal ako, kahit hindi ako perpektong empleyado.

"Kaya ikaw Grace, pagkatapos mo ng MA, bilis-bilisan mo, mag-doktor ka agad!" si Sir F. Nagtitiwala siya sa akin. Ang sarap sa pakiramdam na magtiwala sa'yo ang isang tulad niya, dahil ang taas-taas ng standards niya, at minsan feeling ko, hindi ako umaabot sa inaasahan niya.


"Kung hindi tayo para sa isa't isa.... aba pilitin mo, dahil... ayoko sa iba!"  Mula kay Estan, kasamahan sa panulat, wala lang banat niya lang. Mahilig siyang magpadala ng mga pick-up lines. At natutuwa naman ako. Heto pa isa: "Algebra ka ba?" "Can I substutute your X?"


"Gud eve, musta na ba dalaga ko? Magaling ka na ba? Ingat ka lage at magpagaling ng husto." mula sa Papa ko, 'yung tatay ko ha? Ayun. Yun lang.


"Anak, musta, ok kb?" Mama ko. Sobrang wala akong masabi, napakabait niya.


"Bata ka pa. Matalino at maganda. Pwd ba? Gamitin mo ang ulo mo na mas mataas sa puso mo!" Hay, ayoko sabihin kung sino, alam naman niya siguro kung sino siya. Minsan, halos mag-away kami dahil dito, pero ang totoo, hindi ko magawang magalit sa kanya, kase alam kong tama naman siya...at iniisip niya lang siguro ang kapakanan ko. Di niya lang alam na sobrang touched ako.


"You will always be pretty in my heart."  Siyempre mula sa mahal ko.  First time niya lang kaseng sinabi 'yun eh. Sabi ko kasi 'wag muna niya ako bisitahin kasi pakiramdam ko, ang pangit ko pa. Kaya, nakakatuwa.


Sa inyong lahat, walang hanggang pasasalamat.


With love from
Grace

Miyerkules, Abril 4, 2012

Battles of the heart

by Jen Eleusine


Throughout my life, I have experienced quite a lot of physical pain. When I was around 3 years old, I remember I was being forced by someone in a dark green, pajama-looking clothing to lie down on a bed the same color as his(?) clothes. I remember I was crying, and then I saw my mom, she was saying something I couldn't remember, but I knew in my young mind, she was trying to pacify me. After lying down on the green bed, I cried hard, then I could not remember anything more. At 3 years old, a cyst grew on my back, 5 o'clock position to my right rib case. I went through a major operation, and my mother said I was given general anesthesia, and I was asleep for around  6 hours. She said she feared I would never wake up.

After that, I could not remember going to the hospital again for any "major" problem. I only went to the hospital in 3rd year high school, after a bus accident I luckily was able to survive. It was 6.30 in the morning. My sister and I were just commuting to school. My sister later recounts that I was very much in a hurry that morning, even though it was still very early, and the campus was just near, (in fact it could easily be reached if we ride a jeep, like we usually do.) But that morning, I insisted on riding the bus. It wasn't a wise decision. As I alighted the bus upon reaching school, the bus moved with a scary speed, a speed that threw me off the bus onto the wet, rough, asphalt road. My royal blue skirt was wet with rain and mud. It was a foggy, quiet morning. Except for a girl lying down on the road, and the shouting of people who saw what had happened, (I could not remember I was able to cry,) everything seemed as serene as it usually is.
My visits to the hospital have become more frequent when I reached college. Being alone in the progressive old town of Dasmarinas, Cavite was one of the toughest battle I had to conquer. It was also the time my personal life was tumbling down. Ever since I was a child, I always had felt chest pains and heartaches, and when I was in college, literally my heart was getting weak, my doctor confirmed. (It would never appear in any of my medical records in high school and college, though). I would usually bring myself to the hospital, for fear that my family would not be able to handle any more trouble.  Fortunately, I was able to win that battle. They say it's mind over body. I believe it's not just the mind that made me survive. My heart, in its weakness and brokenness, has so much love for so many people around me, I think it would fight every battle against death.

My body has challenged my heart so many times. In 2009, I was hospitalized twice. The diagnosis was acute  gastroenteritis. It was, I thought a simple stomach ache, but it meant many days of absence from my work as a teacher in a private school in Dasma. On the second  relapse of my stomach problems, (this time it was a confirmed ulcer) I met an angel who asked me to apply as a part-time faculty in a university. At that time, I did not know where life is really taking me, so I applied for the job, not knowing it was to be my destiny. The path I so longed to thread, the road I never knew I wanted to take...was there, all made just right for me. They accepted me, and luckily, the clinic said I was as healthy as a horse, except that my eyes are not as bright as they should be for someone my age.

In 2010, I had a series of UTI attacks, which, the doctor explained was because I control my urinating and I do not drink water. (I enjoy Coke and hard drinks better.) My acidic stomach has had some repeats, but I was able to stay on. In 2011, I was under medication for all of that. Surprisingly, it did not affect my work, except that when it's really bad, I would ask for a substitute for my classes. Most of the time, any pain I feel physically was overpowered by my love for my work, and my students. My heart again, wins over my body.
In the middle of 2011, it was all fine. Except that once, a mad man, who happens to have had some rift with someone I knew, pointed a gun on me, and brought me to the dark roads between Salitran and Salawag. It was around 10 pm. And I knew that road...so I struggled to get out of his car. It was an old box-type Lancer with a thin, plastic-looking window on the right. But it was not plastic, it was something hard enough to break my bones. I later learned that when I smashed the window to get out of the car and save myself. I brought myself to the police station.

 In 2012, my heart has had palpitations and my chest pains would sometimes relapse. I would still visit the hospital by myself, still for fear of giving my family and friends a burden. I'd pay for all the tests and some MRI at times. Recently, I had a slip, causing three of my fingers to break (I learned that 3 weeks after the accident, when i decided to see a doctor by myself.) I would have convulsions and extreme bone aches. In times like that, I'd just pray, "In Jesus' name..." to put myself back together. Nothing is so painful when you love life. After all of these, I think I am well. As long as my heart beats with love for my job, for the people I love, for life itself...I am well.


Martes, Abril 3, 2012

Sa likod ng pananaliksik sa GRFI 222, Bilingguwalismo

Hindi ko mapigilang magdiwang ngayon na halos patapos na, (bagama't ayokong magbilang ng sisiw hangga't 'di pa napipisa ang itlog) ang research paper ko sa bilingguwalismo. Isang taon itong pinaghandaan, isinulat, pinagpuyatan...ang hindi ko lang alam kung lahat ng iyon ay sasapat para makakuha ng mataas na grado. haha. Sana sa pagdating ang aming propesor na si Dr. Francisco na nasa Amerika ngayon para sa kanyang talk, ay maipasa ko na ang papel ko at nang makahinga na rin ako nang maluwag. Sana matapos ko na ang lahat ng pending requirements. 

Nalaman ko na napakahirap pala ng papel ko. Akala ko noong una, ganoon lang kadali basta gusto mo ang paksa, iyon pala, sobrang hirap. Sa dami ng librong hawak ko sa pagsusulat, maniniwala ba kayong ang naisulat ko lang ay dalawang talata na hindi ko pa sigurado. Madalas, wala akong tiwala sa sarili ko. Natatakot ako kahit na alam kong tama naman o kaya ko namang ipagtanggol ang sinabi ko.

Sa pagsusuri ng datos naman ako gumugol ng sobra-sobrang oras, sobra pa yata sa 24 oras ang kailangan para lang sa isang maliit na parte ng isang sinasagutang suliranin. Bukod doon may mga oras na talaga namang dinadalaw ako ng mahiwagang KATAM, katamaran...lalo na kapag masakit na ang ulo ko, at wala pa akong maisip...haha.

Kaya naman sana pagbigyan ng aming propesor na dagdagan ko ng bahagi ang pananaliksik. Gusto kong lagyan ng Pasasalamat, bahagi kung saan ko sasabihin ang lahat ng pasasalamat sa lahat ng mga naging bahagi ng aking pagdurusa at saya sa kursong ito. Wow, parang thesis na ano? Haha. 

Ayoko kasing ma-disappoint si Sir George. Ayokong sasabihin niya na may kulang, o may mali, hanggat maaari I want to exceed his expectations...pero parang imposible, hahaha. I'm keeping my fingers crossed, sana ma-polish ko na within this week. Ina (Mahal na Birhen ng Penafrancia) tulungan Niyo ako.

Linggo, Abril 1, 2012

May gusto akong sabihin sa iyo

Kung may pagkakataon kayong kausapin ang mga taong mahalaga para sa buhay ninyo o kaya mga taong imposibleng makausap, pero bibigyan lang kayo ng isang pangungusap para sabihin ang lahat ng nais niyo, ano ang sasabihin ninyo? Heto ang sa akin:

Para kay aka Boksingero: Sana kahit paano nakarma ka na. 

Para kay Kevin Costner: Na-in love ka ba kay Whitney?

Para kay Mike Enriquez: Galit ka ba?

Para kay aka Johnny: Bilog ang mundo, pero hindi ko hinangad na magdusa ka nang todo... 


Para kay Mar Roxas: Sana maputi ang budhi ng bise ng bansang ito.


Para kay aka Bakla: Kumusta, nakahanap ka ba ng babaeng mapapangasawa?

Para kay Joker Arroyo: Matanda ka na, sana paabante...hindi paatras.

Para kay Senate Pres. Enrile: Buti ka pa, bumabawi ka sa kasaysayan...


Para kay aka Boy Yagit: Masaya ako kung masaya ka na ngayon, pero kung hindi, buti nga sa'yo!


Para kay Felipe Gozon: Pag di ka nakialam sa kalidad ng tv shows niyo, babagsak kayo.


Para kay Estanislao: Aanhin mo lahat ng karangyaan at karangalan kung mag-isa ka?
 
Para kay Jose Rizal : Sana hindi mo pinatay si Simoun, ayan tuloy tingnan mo ang Pilipinas ngayon....

Para kay Andres Bonifacio: Ano'ng ginagawa mo, nasaan ka ba, habang ipinapagahasa na kaaway mo ang asawa mo? 

Para kay Gloria Macapagal Arroyo: Ngayon pa lang sinusunog na ang........


Para kay PNoy: Kung hindi mo kayang pangalagaan ang isang babae, hindi mo kayang pangalagaan ang isang bayan.


 

Sabado, Marso 31, 2012

great expectations

It is quite flattering to be given praises for a good job you have done. A report people thought you did well. A talk critics think was nice or even satisfying. Or just anything you've written that people appreciated. It's not easy to please anyone, and just to be "liked" for the little somethings you've done good is really something to be happy about. Sometimes it makes you feel proud, secretly, because after all the hardships, failures, and some heartaches...it feels good to feel you have succeeded, somehow. But sometimes you hate it. Sometimes you also think, like Rachel in the Bodyguard asks, "Am I pretty enough? Am I good enough? Have I done enough?" I guess it's hard to be one of these people. You don't really know what people think about you. Do they really like you? Or do they curse you behind your back?

I just wonder what do we truly know about these people we consider "smart," "strong," and "happy."  Do we know that they have moments when they could actually think of nothing? That they also have dumb moments? That they do make wrong decisions? Do we realize that they also have weak moments-- that they cry, that they get scared, that they want to run to somebody greater and stronger. Do we realize that behind their infectious laugh, their jokes, their endless funny antics, is a lonely soul just wanting to be loved--in the truest sense of the word. To be loved and to be appreciated not because they are considered capable of doing many things, things beneficial for most people. What if they lose all of these things? What if they forget everything people believed they're an expert on? Who will stay by their side? And in times of pain...what if everybody expects them to win over everything in their life...like it's just a simple report in class. But what if it is way worse than that? What if it's something that...they do not have faith they could conquer? Who stays with them in these battles?

And have we ever asked them, those people who we think are too great that they do NOT need us, if they need our help? I think it is alright to stay with them. I bet they are as normal as we all are. They're just trying to live life to the fullest in the middle of great expectations. Expectations they would desperately try to meet no matter how hard or how impossible it sometimes gets.  At the end of the day, I believe they just do their best because they love what they do, and they would want to help others. I believe they thank God for all the wisdom, all the blessings, because at the end of the day, it's just God who judges how well we did in this lifetime. And, yes, life is too short. I do feel that.

Lunes, Marso 26, 2012

sa paghinto ng alon

By: Grace Gonzales

mainit ang gabi
nguni't pumapatak
ang luha ng langit...
sa unang salita 
ko'y
maagang tumapak sa 
lupa
ang nagtitimping
anghel..
nais magsabog ng kristal
sa dagat,
ng alak sa lupa..
at..
sa kanyang pagdatal..
muling nag-init,
umapoy, sumabog..
ang buhanging dating
tiwangwang,
hinihipan ng hangin..
o anong sarap makipagniig
sa tubig-dagat 
na pabalik-balik..
sa dalampasigang
nag-iinit..

Linggo, Nobyembre 6, 2011

Laro tayo, ngayon na...gusto mo?

6 Nobyembre 2011
Laro tayo, ngayon na...gusto mo?
Isang Laro sa mga Salita
ni Grace Gonzales

Bago pa umalma ang kinauukulan, aaminin ko nang ang gagawin kong ito ay mula sa isang nabasa ko sa Reader's Digest. Maikling bahagi lang ito sa nasabing magasin, kaya hindi ko masabi kung isa itong artikulo o kontribusyon. Ipinakita dito ang ilang mga pangungusap sa Ingles na mas maikli pa kaysa sa mga tweet at naglalaman ng mga bagay na tungkol sa friendship. Binubuo lamang ang lahat ng pangungusap ng anim na mga salita.

Naisip kong kaya rin itong gawin ng mga Pilipino, gamit siyempre ang Wikang Filipino. Tingnan natin kung alin ang mas maganda, ang mga nailathalang Ingles sa magasing nabanggit, o ang mga nasulat sa Filipino? Ang titingnan natin bilang batayan kung maganda ba ang mga ito ay ang paraan ng pagkakagawa, kahulugan, at ang lakas ng dating.
Katuwaan lang naman ito. Walang intensyong magkumpara. Lahat ng wika ay maganda, depende sa paggamit.

Naisip kong maglista ng mga pangungusap na tungkol sa pagmamahal at pagkakaibigan na may anim na salita lamang. Naglista ako ng ilang mga pangungusap na karamihan ay orihinal kong gawa, habang ang ilan ay hango sa kung saan-saan. At inaanyayahan ko ang lahat na magbahagi rin ng mga pangungusap na mabubuo nila. Maglaro tayo...ng mga salita. Ngayon na. Simple lang ang mekaniks nito.  Una, dapat ay hindi lalabis sa anim na salita ang gagamitin at puwedeng parirala o sugnay lamang ang mabuo. Ikalawa, kasama ang mga kataga, ekspresyon,  panghalip at iba pang maliliiit na yunit ng salita sa bilang. Ikatlo, hindi kasali sa bilang ang mga simbolo at mga bantas. Ika-apat, dapat wikang Filipino  ang gagamitin, limitahan ang pagpapalit-koda. At huli, dapat, tungkol lamang ang mga pangungusap sa love (pagmamahal), friendship (pagkakaibigan) and something in between ('yung magulo) haha, pero bawal ang bastos, bawal ang green. Inuulit ko ha, salita ang binibilang, hindi pantig.

Handa, banat:
1. Kaibigan noon, kaibigan ngayon, kaibigan habambuhay.
2. Kaibigan lang pala. Kaibigan lang pala.
3. Peksman. Mamatay man. Basta't iyong magustuhan.
4. Mahal mo siya o ako? Sagot!
5. Ako na lang kasi. Tanga ka!
6. Alam naman nila kahit hindi mag-aminan.
7. Bakit hindi na lang totohanin lahat.
8. Gago. Hindi ka na babalikan nun.
9. Hindi puwedeng turuan ang puso. Wehh!
10.Pasulyap-sulyap ka kunwari, patingin-tingin sa akin.
11. Kung ayaw mo sa akin, sabihin mo.
12. Iwan mo na kasi siya! Dali!
13. Magkaibigan lang ba talaga tayo? Tangna.
14. Oo na. Mahal na kung mahal.
15. Kung ako na lang sana siya.
16. Oo nga pala, hindi pala tayo.
17. Wag kang feeling, hindi kita type.
18. Tatanggi ka pa. Kunwari ka pa.
19. Kahit konting pagtingin, kung manggagaling sa'yo!
20. Akala mo ikaw ano? Hindi kaya!

 Dadagdagan ko pa ito. Mag-isip din kayo. Paramihan at pagandahan tayo ng mabubuo. Hihintayin ko ang inyong tugon.

Lunes, Oktubre 17, 2011

Patnubay at Gabay???!!!

17 October 2011

Puna sa "Patnubay at Gabay" ng MTRCB
ni Grace Gonzales


Bago ang lahat ay nais ko munang ipaabot ang aking pagbati at paggalang sa Tagapangulo ng MTRCB, Ms. Grace Poe-Llamanzares, sapagkat idolo ng nanay ko si Ms. Susan Roces (ang ina ni Ms. Poe-Llmanzares). Hindi naman masyadong halata na katokayo ko ang kasalukuyang Chair ng MTRCB, hindi ba? =) Paborito ko rin ang pelikulang Beatnik (hindi ko alam ang ispeling) ni Ms. Roces at ang Portrait of my Love with Eddie Gutierrez. (Feeling 50s/60s ako, haha.) Gayunman, hindi  makapipigil  ang pagiging fan ko sa aking pagpuna sa bagong paalalang ipinapalabas ngayon sa lahat ng tsanel.

May napansin ba kayo habang nanonood nitong mga nakaraang araw sa inyong mga telebisyon? May bagong pakulo este programa ang MTRCB. Lahat ng istasyon ay may ipinapakitang video ng pagpapaalala na ang susunod na palabas ay nangangailangan ng Parental Guidance. Ang ginamit na mga salita: Patnubay at Gabay. Tapos may malaking-malaking PG na kulay asul na mukhang logo ng facebook. Wala akong problema na mukha itong pambata, social networking site, o kung anupaman. Ang nais kong bigyang-pansin ay mali ang paggamit sa "Patnubay at Gabay" bilang paalala sa panonood ng sambayanang Pilipino. Nauna nang napuna ito ng Mama ko, at napag-usapan rin ito sa klase sa Linggwistiks. Nagkakaisa ang klase sa mga puna tungkol sa paalalang Patnubay at Gabay.

Noong una, sa ABS-CBN, Channel 2, mayroon na silang "Patnubay ng Magulang" na paalala sa pagsisimula ng kanilang bawat programa. Sa aking pagsusuri ay tila mas tamang gamitin ang saling ito na ginagamit noon pa ng Channel 2, sapagkat nakuha nito ang buong kahulugan ng "Parental Guidance". Hindi sa kinakampihan ko ang anumang istasyon, nagkataon lamang na matagal nang ginagamit ng Channel 2 ang mahusay na paalalang "Patnubay ng Magulang".
Isa-isahin natin ang dahilan kung bakit hindi dapat "Patnubay at Gabay" ang ginamit ng MTRCB.

1. Mas natumbok ng "Patnubay ng Magulang" ang kailangang gawin ng sambayanan sa panonood ng mga programang pantelebisyon, kumpara sa  salin ng MTRCB na "Patnubay at Gabay" na nawala ang diwa ng salitang "Parental" sa pagpupumilit na mapanatili ang akronim na PG ng Ingles na Parental Guidance sa saling Filipino. Hindi tuloy malinaw kung sino ang dapat gumabay sa mga kabataan: ang katulong, ang drayber, ang barkada, o ang manyakis na kapitbahay? Napakahalaga ng salitang "MAGULANG" sa pambansang paalalang ito sapagkat nagmumula mismo sa pamahalaan ang direktibang nagsasabing ang magulang ay kailangang nasa bahay o kaya ay magbigay man lamang ng kahit kaunting panahon para mabantayan at mabigyan ng sapat ng patnubay ang kanilang mga anak. Malinaw na ang paggamit sa salitang "Magulang" ay pagpapatibay  sa samahan ng pamilyang Pilipino at pag-iingat sa  ating mga pinapahalagahan (values) bilang mga Pilipino. 

2. Ikalawa, ayon nga sa aming propesor na si Dr. Lakandupil C. Garcia, ang mga salitang "Patnubay" at "Gabay" ay iisa lamang ang kahulugan. Redundant ang pagsamahin ito, lalo pa sa mga gayon kaimportanteng mga paalala na nakikita ng lahat. Para na rin nilang sinabi, ayon nga kay Dr. Garcia, ang ganito, "tala at bituin," na magkasingkahulugan lamang naman.

3. Maaaring isipin ng ilang kabataan o kaya ng ilang hindi sapat ang pag-unawa, na ang "Patnubay at Gabay" ang bagong salin sa Parental Guidance. Mali na agad ito. Maraming mali ang midya pagdating sa paggamit ng wika, tutularan pa ba ng MTRCB, na pangunahing tagapagsuri ng midya, ang mga pagkakamaling ito ?

Nakatutuwa naman ang pagsusumikap ng MTRCB na magkaroon ng iisang paalala para sa mga istasyon ng telebisyon sa Pilipinas, pero sana lang ay magkaroon muna sila ng mga konsultasyon sa Komisyon sa Wikang Filipino bago sila gumawa ng mga programa lalo na iyong mga anunsyo, paalala, babala, at iba pang pampublikong pahayag na nais nilang gawin sa Filipino. Kung hindi naman nila nais abalahin ang KWF, mayroon namang mga linggwista ang Pamantasang De La Salle Dasmarinas at maging ang iba pang mga pamantasan na maaari nilang konsultahin tungkol sa tamang paggamit ng wika.

Huwebes, Oktubre 13, 2011

Para kay Rene Aranda ng Pilipino Star Ngayon

14 Oktubre 2011
ni: Grace Gonzales

Matagal na akong tagasubaybay ng Pilipino Star Ngayon. Bukod sa ito na ang nakagisnan kong tabloid na binabasa ng aming buong pamilya simula dekada 90, karamihan sa laman nito ay intelektwal at wholesome. Kaya lamang sa ngayon, marami akong napupunang pagkakamali sa gamit ng mga salita sa maraming artikulo dito. Maraming maling gramar sa iba't ibang seksyon, mula sa mga headline, sa mga balita, hanggang sa showbiz at sports. Pero ang bahaging ito ay nangangailangan ng mas detalyadong paglalarawan na sa susunod ko na gagawin. Ang nais kong bigyang-pansin ngayon ay ang Komiks ng dyaryong ito.

Matagal ko nang gustong mag-email sa editor na si G. Al Pedroche tungkol sa comic artist/writer na si Rene Aranda at sa kanyang "Sports Manny." Matagal na akong nagngingitngit sa kabastusan ng ilang komik istrip na ginagawa niya. Bukod sa kadalasang wala namang kaugnayan sa Sports (gaya ng nakasaad sa pamagat nito) ang tema ng komik istrip ay insensitibo pa ito sa kasarian. Gender insensitive, oo. Tinatawag kong kawalan ng respeto sa kababaihan ang mga temang madalas niyang gamitin sa pagsisikap (o pagpupumilit) na makapagpatawa. Hindi nakakatawa ang paulit-ulit na ganitong mga tema:

1. babaeng pangit na inaasar o iniinsulto
2. babaeng mataba na pinagtatawanan
3. maganda at seksing babae na binobosohan
4. maganda at seksing babae na nililigawan pero ang gusto ay katawan
5. panloloko sa babae
6. machismo

At marami pang ibang katulad din ang tema. Ang punto? Palagi niyang ginagamit ang imahe ng babae upang magpatawa kuno. Palagi niyang ibinababa ang larawan ng kababaihan. Palagi niyang binibigyang-diin na  kapag pangit ang babae ay inaayawan o nakakadiri o pinagtatawanan o hindi nagtatagumpay. (Hindi ko ito sinasabi ito dahil pangit ako, ha. Kung gusto ninyo ng larawan ko, sige, maglalagay ako sa susunod.) Hindi kasi tamang minamaliit natin ang ating kapwa dahil sa hitsura. Tandaan natin na ang komik istrip ay maaaring basahin ng mga kabataan at kung itong mga ganitong pag-uugali ang kanilang palaging mababasa, hindi kaya ito ang kanilang tularan? Ayaw ko rin na ang magagandang babae ay ginagawang bagay na pinaglalaruan o  pinipilyo, kahit pa sa komik istrip lamang. Pambabastos na nga ang mga drowing ng babae na halos labas na ang kaluluwa, at ang pagkakadrowing sa mga pangit na babae, pero mas nakakasuya ang mabasa ang mga pinaggagagawa ng karakter na si Manny sa kanila. Wala ka bang anak na babae, Rene Aranda? Wala ka bang nanay? Bakit gayun na lamang ang pambabastos at pagpapababa mo sa imahe ng kababaihan? 

Bihira sa tipo ko ang magalit nang ganito. Liberal akong tao at bukas sa anumang bagay. Hindi ko alam kung bakit hindi ko matagalan ang komik istrip ni Rene Aranda. Babae ako eh. May dignidad na hindi dapat basta tinatapakan at ginagawang kalokohan ng sinuman.

Pinuri ko rin naman minsan ang istrip ni Aranda. Nitong Agosto ay  natuwa ako sa komiks na ito sapagkat akala ko, tinigilan na ang "pambabastos sa kababaihan na nagpapanggap na simpleng komedya."  Ipinasok ang karakter ng isang asong nagsasalita. Paborito ko ang isang episode na nag-uusap sina Manny at ang asong nagsasalita. Tinawag ni Manny na "linguist" ang aso. Itinama si Manny ng aso, sabi ng aso, "polyglot" lang siya.  Ipinagdiwang ko ang araw na iyon. Natuwa ako sa mga linguistic terms na ginamit. Ibig sabihin, may alam naman pala itong mokong na itong gumagawa ng komiks na ito, ano't puro babae ang pinagdidiskitahan niya?! Sinubaybayan ko ang komiks at natuwa akong madalas nang tampok ang asong nagsasalita. Tatahimik na sana ako. Ayos na sana eh. Kaso nitong mga huling araw, ibinalik na naman ang mga temang hindi sensitibo sa kalagayan ng kababaihan! BAKIT?! Wala na bang maisip na katatawanan ang gumagawa nito?  Kung wala na, mabuting itigil na ang paglalabas ng istrip na ito kaysa ipagpatuloy ang mga birong HINDI nakakatawa, bagkus ay nakakainsulto.


Utang na loob, tigilan na ang paggamit sa kababaihan bilang kasangkapan ng desperadong pagpapatawa. Bakit hindi na lang ipagpatuloy ang pinag-isipan at intelektwal na mga biro? Akala ko ba ang dyaryong ito ay "dyaryong disente ng masang intelehente"?  Nauunawaan ko na marahil dahil sa target na mambabasa, kaya nagkakaroon ng mga hindi magandang tema, pero huwag namang SOBRA!!!! Tinatawagan ko ang GABRIELA, ano ba ang ginagawa ninyo sa patuloy na pagpapababa ng ilang sektor sa kababaihan? G. Rene Aranda, matalino ka, tumigil ka na!