ni: Grace Gonzales
Matagal na akong tagasubaybay ng Pilipino Star Ngayon. Bukod sa ito na ang nakagisnan kong tabloid na binabasa ng aming buong pamilya simula dekada 90, karamihan sa laman nito ay intelektwal at wholesome. Kaya lamang sa ngayon, marami akong napupunang pagkakamali sa gamit ng mga salita sa maraming artikulo dito. Maraming maling gramar sa iba't ibang seksyon, mula sa mga headline, sa mga balita, hanggang sa showbiz at sports. Pero ang bahaging ito ay nangangailangan ng mas detalyadong paglalarawan na sa susunod ko na gagawin. Ang nais kong bigyang-pansin ngayon ay ang Komiks ng dyaryong ito.
Matagal ko nang gustong mag-email sa editor na si G. Al Pedroche tungkol sa comic artist/writer na si Rene Aranda at sa kanyang "Sports Manny." Matagal na akong nagngingitngit sa kabastusan ng ilang komik istrip na ginagawa niya. Bukod sa kadalasang wala namang kaugnayan sa Sports (gaya ng nakasaad sa pamagat nito) ang tema ng komik istrip ay insensitibo pa ito sa kasarian. Gender insensitive, oo. Tinatawag kong kawalan ng respeto sa kababaihan ang mga temang madalas niyang gamitin sa pagsisikap (o pagpupumilit) na makapagpatawa. Hindi nakakatawa ang paulit-ulit na ganitong mga tema:
1. babaeng pangit na inaasar o iniinsulto
2. babaeng mataba na pinagtatawanan
3. maganda at seksing babae na binobosohan
4. maganda at seksing babae na nililigawan pero ang gusto ay katawan
5. panloloko sa babae
6. machismo
Bihira sa tipo ko ang magalit nang ganito. Liberal akong tao at bukas sa anumang bagay. Hindi ko alam kung bakit hindi ko matagalan ang komik istrip ni Rene Aranda. Babae ako eh. May dignidad na hindi dapat basta tinatapakan at ginagawang kalokohan ng sinuman.
Pinuri ko rin naman minsan ang istrip ni Aranda. Nitong Agosto ay natuwa ako sa komiks na ito sapagkat akala ko, tinigilan na ang "pambabastos sa kababaihan na nagpapanggap na simpleng komedya." Ipinasok ang karakter ng isang asong nagsasalita. Paborito ko ang isang episode na nag-uusap sina Manny at ang asong nagsasalita. Tinawag ni Manny na "linguist" ang aso. Itinama si Manny ng aso, sabi ng aso, "polyglot" lang siya. Ipinagdiwang ko ang araw na iyon. Natuwa ako sa mga linguistic terms na ginamit. Ibig sabihin, may alam naman pala itong mokong na itong gumagawa ng komiks na ito, ano't puro babae ang pinagdidiskitahan niya?! Sinubaybayan ko ang komiks at natuwa akong madalas nang tampok ang asong nagsasalita. Tatahimik na sana ako. Ayos na sana eh. Kaso nitong mga huling araw, ibinalik na naman ang mga temang hindi sensitibo sa kalagayan ng kababaihan! BAKIT?! Wala na bang maisip na katatawanan ang gumagawa nito? Kung wala na, mabuting itigil na ang paglalabas ng istrip na ito kaysa ipagpatuloy ang mga birong HINDI nakakatawa, bagkus ay nakakainsulto.
Utang na loob, tigilan na ang paggamit sa kababaihan bilang kasangkapan ng desperadong pagpapatawa. Bakit hindi na lang ipagpatuloy ang pinag-isipan at intelektwal na mga biro? Akala ko ba ang dyaryong ito ay "dyaryong disente ng masang intelehente"? Nauunawaan ko na marahil dahil sa target na mambabasa, kaya nagkakaroon ng mga hindi magandang tema, pero huwag namang SOBRA!!!! Tinatawagan ko ang GABRIELA, ano ba ang ginagawa ninyo sa patuloy na pagpapababa ng ilang sektor sa kababaihan? G. Rene Aranda, matalino ka, tumigil ka na!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento