17 October 2011
Puna sa "Patnubay at Gabay" ng MTRCB
ni Grace Gonzales
Bago ang lahat ay nais ko munang ipaabot ang aking pagbati at paggalang sa Tagapangulo ng MTRCB, Ms. Grace Poe-Llamanzares, sapagkat idolo ng nanay ko si Ms. Susan Roces (ang ina ni Ms. Poe-Llmanzares). Hindi naman masyadong halata na katokayo ko ang kasalukuyang Chair ng MTRCB, hindi ba? =) Paborito ko rin ang pelikulang Beatnik (hindi ko alam ang ispeling) ni Ms. Roces at ang Portrait of my Love with Eddie Gutierrez. (Feeling 50s/60s ako, haha.) Gayunman, hindi makapipigil ang pagiging fan ko sa aking pagpuna sa bagong paalalang ipinapalabas ngayon sa lahat ng tsanel.
May napansin ba kayo habang nanonood nitong mga nakaraang araw sa inyong mga telebisyon? May bagong pakulo este programa ang MTRCB. Lahat ng istasyon ay may ipinapakitang video ng pagpapaalala na ang susunod na palabas ay nangangailangan ng Parental Guidance. Ang ginamit na mga salita: Patnubay at Gabay. Tapos may malaking-malaking PG na kulay asul na mukhang logo ng facebook. Wala akong problema na mukha itong pambata, social networking site, o kung anupaman. Ang nais kong bigyang-pansin ay mali ang paggamit sa "Patnubay at Gabay" bilang paalala sa panonood ng sambayanang Pilipino. Nauna nang napuna ito ng Mama ko, at napag-usapan rin ito sa klase sa Linggwistiks. Nagkakaisa ang klase sa mga puna tungkol sa paalalang Patnubay at Gabay.
Noong una, sa ABS-CBN, Channel 2, mayroon na silang "Patnubay ng Magulang" na paalala sa pagsisimula ng kanilang bawat programa. Sa aking pagsusuri ay tila mas tamang gamitin ang saling ito na ginagamit noon pa ng Channel 2, sapagkat nakuha nito ang buong kahulugan ng "Parental Guidance". Hindi sa kinakampihan ko ang anumang istasyon, nagkataon lamang na matagal nang ginagamit ng Channel 2 ang mahusay na paalalang "Patnubay ng Magulang".
Isa-isahin natin ang dahilan kung bakit hindi dapat "Patnubay at Gabay" ang ginamit ng MTRCB.
1. Mas natumbok ng "Patnubay ng Magulang" ang kailangang gawin ng sambayanan sa panonood ng mga programang pantelebisyon, kumpara sa salin ng MTRCB na "Patnubay at Gabay" na nawala ang diwa ng salitang "Parental" sa pagpupumilit na mapanatili ang akronim na PG ng Ingles na Parental Guidance sa saling Filipino. Hindi tuloy malinaw kung sino ang dapat gumabay sa mga kabataan: ang katulong, ang drayber, ang barkada, o ang manyakis na kapitbahay? Napakahalaga ng salitang "MAGULANG" sa pambansang paalalang ito sapagkat nagmumula mismo sa pamahalaan ang direktibang nagsasabing ang magulang ay kailangang nasa bahay o kaya ay magbigay man lamang ng kahit kaunting panahon para mabantayan at mabigyan ng sapat ng patnubay ang kanilang mga anak. Malinaw na ang paggamit sa salitang "Magulang" ay pagpapatibay sa samahan ng pamilyang Pilipino at pag-iingat sa ating mga pinapahalagahan (values) bilang mga Pilipino.
2. Ikalawa, ayon nga sa aming propesor na si Dr. Lakandupil C. Garcia, ang mga salitang "Patnubay" at "Gabay" ay iisa lamang ang kahulugan. Redundant ang pagsamahin ito, lalo pa sa mga gayon kaimportanteng mga paalala na nakikita ng lahat. Para na rin nilang sinabi, ayon nga kay Dr. Garcia, ang ganito, "tala at bituin," na magkasingkahulugan lamang naman.
3. Maaaring isipin ng ilang kabataan o kaya ng ilang hindi sapat ang pag-unawa, na ang "Patnubay at Gabay" ang bagong salin sa Parental Guidance. Mali na agad ito. Maraming mali ang midya pagdating sa paggamit ng wika, tutularan pa ba ng MTRCB, na pangunahing tagapagsuri ng midya, ang mga pagkakamaling ito ?
Nakatutuwa naman ang pagsusumikap ng MTRCB na magkaroon ng iisang paalala para sa mga istasyon ng telebisyon sa Pilipinas, pero sana lang ay magkaroon muna sila ng mga konsultasyon sa Komisyon sa Wikang Filipino bago sila gumawa ng mga programa lalo na iyong mga anunsyo, paalala, babala, at iba pang pampublikong pahayag na nais nilang gawin sa Filipino. Kung hindi naman nila nais abalahin ang KWF, mayroon namang mga linggwista ang Pamantasang De La Salle Dasmarinas at maging ang iba pang mga pamantasan na maaari nilang konsultahin tungkol sa tamang paggamit ng wika.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento