Ika-12 ng Oktubre 2011
Bago kami bumanat sa mga susunod na araw, ipakikilala muna namin ang aming mga sarili. Sa mga susunod na araw ay bibigyan namin ng mas seryosong update ang post na ito upang higit na maipakilala ang bawat isa batay sa kani-kanilang espesyalisasyon:
Ang aming magiting na propesor ay ang nag-iiisang Lakan ng Wikang Filipino sa buong Pamantasan: si Dr. Lakandupil C. Garcia; isang kilalang awtor, linggwista o dalubwika, at edukador. Hindi namin alam kung paano siya ilalarawan sa dami ng nagawa at patuloy niyang ginagawang mga kadakilaan, ngunit isa lamang ang aming tinitiyak, isa siya sa mga natitirang TUNAY na alagad at tagapagtaguyod ng Wika at isa rin siya sa mga hinahangaang tagapagsalita sa buong bansa. Ang kanyang mga libro ay ginagamit sa iba't ibang lugar sa bansa partikular sa CAR at siyempre, sa Calabarzon. Siya ay dating Faculty Association President ng Pamantasang De La Salle Dasmarinas. Sa kasalukuyan, siya ang Tagapayo ng Heraldo Filipino, ang opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng Pamantasang De La Salle Dasmarinas. (kasalukuyan ko pa pong inaalam kung paano maglagay ng /enye/ dito sa blog)
Ang Presidente ng klase ay ang Bai ng Bilingguwalismo, si Bb. Maricel Billela. Siya rin ang kasalukuyang Pangulo ng Konseho ng mga Mag-aaral sa Dalubhasaan ng Malalayang Sining sa Programang Gradwado. Siya ang kauna-unahang kumukuha ng MA Filipino na naluklok bilang Pangulo ng CLAGS. Siya ay mayumi at may malambing na tinig pero handa niyang ipaglaban ang kabutihan ng klase at nagagawa niya ito nang hindi nawawala ang paggalang sa sinuman.
Ang isa pa naming kagalang-galang na kaklase ay ang Ilaw ng Panitikan, si Gng. Ma. Ildena Geraldo-Cuadro. Kilos Maria Clara man, siya ay isa sa mga may matatag na paninindigan sa klase, bukod pa sa siya ay isa sa mga haligi ng kaguruan sa Del Pilar Academy. Mahusay siyang makisama at magaling magbigay ng payo. At kahit kung minsan ay ginagawan ng kalokohan, hindi siya kailanman nagdamdam.
Bahagi rin ng aming klase ang Maestra ng Wikang Filipino, si Ms. Alili Balaso, na simple sa panlabas, pero 'bigatin' pala sa katotohanan. Palagi siyang mukhang kinakabahan dahil sa sobrang pagiging mapagkumbaba, ito ay sa kabila ng mga natamo niyang tagumpay sa buhay.
Ang Prinsipe ng Wika at Midya, si G. Joel Madrigal, ay simple at tahimik sa klase ngunit kapag iniharap sa midya, makabuluhan at tunay na mahusay ang kanyang mga pahayag.
Huwag ninyong mamaliitin ang aming Maestra ng Estruktura, si Ms. Maritess Refuerzo. Kapag siya ang nagtanong, kailangan mong maipaliwanag nang mabuti ang iyong sinasabi. Mahalaga sa kanya ang etika at pakikipagkapwa-tao.
Siyempre pa, hindi mawawala ang Dama ng Wikang Filipino, ang mahinhing si Ms. Vicky Vicedo. Simple lang pero responsable. Tahimik pero may laman. Palangiti pero palaban. Huwag kayong matakot dahil isa siyang mabuting kaibigan.
Ang Prinsesa ng Wika at Globalisasyon, si Ms. Gina Aboy, ay isa rin sa mga matatalino sa klase. Walang sayang na sandali kung pakikinggan mo ang kanyang mga opinyon. Siya ay masayahin at magaling makisama, pero isa ring responsableng mag-aaral sa klase.
Ang Rajah ng Filipino at Pamamahayag, si G. Raymond Redublo naman, sa kabila ng mabigat na responsibilidad sa kanyang mga nasasakupan, ay laging handa--handang ialay ang pag-ibig niya para kay Ms. Gina at at kay Ms. May. Biro lamang. Si G. Redublo ay hindi matatawaran ang husay sa pagsasalita sa klase, lalo na kapag binibigyan ng pagkakataong magseryoso sa kanyang mga opinyon, makikita ang malalim niyang pananaw sa iba't ibang isyu.
Si Sir Leonardo Quinto, ang Bagong Tagapagbantay ng Wika, ay dating master ng mga panlipunan at pangkasaysayang isyu. Sa ngayon ay tinatahak niya ang landas tungo sa mas malalim na pag-aaral ng mga paraan upang mapanatili at malinang ng mga wikang katutubo.
Si Sir Jake Mamenido ang Prinsipe ng Pragmatiks. Siya ay mahusay sa paggamit ng kompyuter at ng mga aplikasyon nito. Pero higit doon, mahusay siya sa pagpapaliwanag mg mahahalagang konsepto sa klase.
Huwag nating kalimutan ang Reyna ng Bilingguwalismo na si Ms. Mary Jane Gonzaga. Mahusay siya sa mga teorya, sa pagpapaliwanag ng mga konsepto, at sa pananaliksik.
Siyempre pa, ang nag-iisang Bana ng Bilingguwalismo, si Sir Manny Sanchez. Pagdating sa mga ibinibigay na halimbawa ng mga propesor, siya ang isa sa mga may kritikal ang pag-iisip at dahil kanyang husay sa lohika, nakabubuo ng mahahalagang kongklusyon ang klase.
Si Sir James Vinegas (/enye/ po iyon...) ay ang ipinagmamalaki naming Prinsipe ng Teoryang Pangwika at ng Pananaliksik. Huwag kang matatakot sa dami ng alam niyang teorya at sa mga kilala niyang awtor. Kailangan niya ang lahat ng ito sapagkat siya ang pinakaseryoso at pinakaaktibo pagdating sa Pananaliksik.
Kung kailangan ninyo ng paglingap ng isang mapag-aruga, kung may tanong kayo sa ng at nang, o kung naguguluhan kayo sa ayos ng pangungusap, lapitan ninyo ang Senyorita ng Sintaks, si Ms. Maricel Alenain.
Siyempre pa, kung kailangan ninyo ng makakausap tungkol sa Linggwistiks o kahit sa Panitikan; kung kayo ay nalulungkot, nalulumbay, o kaya'y naghahanap lamang ng Liberal na makakaulayaw tungkol sa Wikang buhay, si Bb. Grace Gonzales, ang Lambana ng Linggwistika, ang inyong tawagan.
Kung nagtataka naman kayo sa dahilan ng pagsulpot ng mga salita o pahayag, sumangguni sa aming Sirena ng Sosyolinggwistiks. Kung naghahanap ng kakampi sa pagtatanggol sa Konserbatibong Gramatika, ang Diwata ng Gramatika ang inyong lalapitan. Iisang tao lamang iyan--si Ms. Maynard Martin.
Idagdag pa natin si Ms. Agnes Matilla, ang Kampilan ng Wika at Multilingguwalismo. Mabibighani kayo sa ganda ng kanyang ngiti, matutuwa kayo sa kanyang kabaitan, pero pagdating sa pangangalap ng mga impormasyon, at maging sa mga baliktaktakan, siya'y isa sa mga mapagkakatiwalaan.
Hindi namin hangad ang magyabang. Ang aming klase ay sadyang masayahin lamang. Hangad lamang ng inyong mga lingkod ay mapabuti ang kalagayan ng Wikang Filipino. Sa panahon ngayon kung kailan lahat ay inaapakan at nililimot ang sariling Wika, sa panahon ng kamangmangan ng karamihan sa Wika at sa mga magagandang oportunidad na hatid nito, sa panahon ng kawalang-respeto ng ilan sa Filipino; hangad naming maiparating: may pag-asa at tagumpay sa pag-aaral ng Wikang Filipino.
Animo La Salle!