Pag-ibig
ni Jenny Linares
Sept 2, 2012
Minsan, bumukal sa aking puso
ang marikit na damdaming sa iyo’y itinatago
Sumabay sa ritmo ng musikang
akala ko’y tanging ako lamang ang nakaririnig,
tumugtog ang biyolin,
nagsayaw ang mga anghel sa langit.
Nagdiwang ang sanlibutan
sa ating pagniniig,
maging ang buwang miminsan lamang kung mapadaan
sa malungkot na daigdig,
ngayo’y makalawang ulit ang kaganapan
pagkat may pag-asa’t
pag-ibig
kung muling susubukan,
sa pagkakataong ito—
oo, tayong dalawa na
sa pagkakataong ito
tayong dalawa na lamang.
Hindi na mapipigilan
ang takda ng Kapalaran na ikaw at ako
sa isa’t isa nakalaan.
Dalawang pusong nagtagpo
sa kakaibang tadhana;
ayaw mang pangunahan ang ibig ni Bathala,
umaasam pa ring tayo ang nakatakda.
Sapagkat sino nga ba ang mag-aakalang
may pag-ibig na sisibol
sa ating dalawa;
na matapos maligaw
at magkalayo
sa takbo ng panahong kay tagal bago nahinto upang tayo’y magtagpo—
sa huli tayo’y magkapalad pala.
Hindi na tayo matatakot sa mga kasawian ng buhay
sapagkat sa ating pagsinta,
ang lahat ay sasapat,
ang lahat ay maaayos.
Hindi na tayo matatakot lumuha
sapagkat narito na ang panahon ng ligaya.
Hindi na tayo matatakot
sa mundong kung minsan ay kay lupit
sapagkat ipaglalaban natin
itong ating pag-ibig.
Wala nang magiging hadlang,
wala nang hindi kakayaning lagpasan,
pagkat sa pag-ibig na itong ngayon lamang natin kapwa natamo,
atin ang mundo.
Ang site na ito ay para sa mga blog ng mga mag-aaral ng Master of Arts Major in Filipino ng Pamantasang De La Salle Dasmarinas. Mababasa mula rito ang mga blog hinggil sa iba't ibang isyu sa larangan ng Wika, Panitikan, Linggwistiks, at iba pang kaugnay sa pag-aaral ng Filipino. Maaari ring magsulat dito ng personal na pananaw ang mga miyembro, ngunit hindi nito nirerepresenta ang pananaw ng buong grupong MA Filipino.
Isang Maalab na Pagbati!
"Ang hindi magmahal sa kanyang SALITA
mahigit sa hayop at malansang isda."
-Jose Rizal
mahigit sa hayop at malansang isda."
-Jose Rizal
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento