Originally titled: Natatakot akong ibigin ka
by Jenny Linares
written: August 28, 2012
ni Jenny Linares
Dumating ka sa aking buhay
nang walang pahiwatig.
Walang kaabog-abog,
namalayan ko na lang na naririyan ka na.
Binuksan mo
ang dating nakapinid nang pinto
ng aking puso’t pag-asa.
Namalagi ka sa aking tabi
bagaman lunatiko ako,
manhid, bulag, baliw,
at malaon nang nawalan ng kaluluwa;
nasusulyapan ko,
sa dulo ng aking mga mata,
naroroon ka na
sa aking tabi—
at nang miminsang sinubok kong lumingon
sapagkat nadarama kong tila hindi ka natitinag,
hindi ka umaalis—
hanggat hindi ako namumulat at nagigising sa aking kabaliwan;
nang miminsang sinubok kong lumingon,
naroon ka nga!
Nananatili, naghihintay
sa kabila ng aking matagal nang pagkakahimlay
at pagkakatulala
at pagkakatitig
sa iisang pader
isang malamig na batong walang ibinalik sa akin
kundi ang lamig at dilim ng gabi.
Lumingon ako
at natagpuan kita.
Nagtagpo ang ating mga puso.
Unti-unti, kinausap mo ako…
akong siraulo, akong hangal, akong masama…
akong wala nang liwanag sa mga mata,
wala nang tiwala ang puso.
Nagtiyaga kang makinig sa mga kuwento kong
ikinabingi’t sinawaan na ng lahat kong kaibiga’t
mga dating kasamang
sa pagbagsak ng mga dahon ay
isa-isa akong nilisan.
Araw-araw,
tinatanong mo ako
ng mga bagay na dati’y wala sa aking nagtatanong…
inaalala mo ang mga bagay tungkol sa akin
na dati’y walang nakakaalala…
ginusto mo ako,
inaalagaan, inaaruga,
minamahal
mula ulo hanggang paa,
lahat ng mumunting kibot ko’t galaw
lahat ng mga bulong ko, luha’t palahaw
lahat ng sinasabi ko’t
lahat ng di ko masabi….inibig mo,
Inibig mo sa akin
ang lahat
inibig mo maging ang mga dating inaayawan ng iba.
Inibig mo ako sa kabila ng lahat kong alinlangan,
ng lahat ng aking kahihiyan
ng lahat ng aking takot.
Pinalitan mo ang lumang payong ko,
na sira-sira na’t hindi ko na magamit
na pananggalang sa ulan
ng araw-araw kong buhay.
Lahat ibinigay mo na,
lahat pinalitan
lahat inayos
lahat inaayos….
Ngunit takot pa rin akong sa pagdating ng sigwa,
muling lulubog ang lunday
na pinagtiwalaan kong ihahatid ako
sa kapayapaan.
Natatakot pa rin akong muling mawasak
ang pinto ng pag-ibig na aking muling binuksan,
at mabigo ang mga pag-asang muli kong binuhay.
Nangangamba ako,
pagkat kung muli akong luluha…
pagkat kung ikaw ang mawawala….
tuluyan na akong mamamatay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento