Sept 18, 2012
Original title: Mahal kita
ni Jenny Linares
Tumatakbo ako noong unang gabi,
inayos ko ang magulong buhok,
pinalitan ang lumang unipormeng suot,
naglagay ng konting kolorete
upang magmukhang kaaya-aya,
katanggap-tanggap,
at nang hindi ako mapahiya…
hinahabol ko ang panahon,
pagkat alam kong kailangan na tayong magtagpo
matapos ang ilang dekadang paghihintay
ng ating tadhana.
Malakas ang ulan, malamig ang gabi
masasal ang tibok ng dibdib sa paghihintay ko
sa iyong pagdating.
Nakimi ako nang tawagin mo ako
sa aking pekeng pangalan,
nang alalayan mo ako,
nang makita ko ang maganda mong ngiti,
at nang mabanaag ko sa mga mata mo ang rikit ng iyong pagkatao.
Nahiya ako ngunit kinilig nang sabihin mo sa aking ‘napakaganda ko.’
Nang hagkan mo ang aking kamay,
nang buong paggalang at pagsuyo...
mahal na kita.
Tumatakbo ako isang hapon,
naliligaw sa gitna ng magulong mundong
alam kong kailangan ko nang iwanan.
Maraming tao, maraming maraming tao…
mabaho, maingay, maalinsangan, makulimlim, maulan,
walang tiyak na kaligtasan,
bagama’t naroon ang simbahang bumuo sa aking katauhan.
Sinabi kong hindi mo ako matatagpuan,
mahihirapan ka.
Ipinilit mong mahahanap mo ako,
maililigtas mo ako,
mapupuntahan mo ako.
Sa gitna ng aking pagkahilo’t pagkapagal
sa kasuklam-suklam kong kinalalagyan…
niyakap mo ako.
dumating ka.
Wala na akong kasing ligaya nang matagpuan kita;
wala akong pagtutol nang hawakan mo ang aking kamay,
alam ko noon….
alam kong mahal na kita.
Tangan mo ang aking kamay,
mapagmahal ang iyong pag-alalay…
sabay tayong sumakay sa dyip,
tayo na lamang ang magkaakbay,
tinahak natin ang bago at tamang daan
palayo sa ating nakaraan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento