ni Grace Gonzales
Naligo ako sa ulan noong Mayo uno, kung kailan unang pumatak ang ulan dito sa Dasmarinas Cavite ngayong buwan ng Mayo. Kagagaling ko lang sa sakit noon at dahil sabi nila, gamot daw ang unang ulan ng Mayo, sinubukan ko. Isa pa, naaliw ako dahil nagkataong sa unang araw mismo ng Mayo naganap ang "unang pag-ulan sa Mayo." Inisip kong suwerte ito, dahil bihira itong mangyari. Karaniwan kasi itong tumatapat sa kalagitnaan o sa bandang dulo ng buwan. Matagal ko nang alam ang tungkol dito, simula noong bata pa ako ay sinasabi na ng mga kamag-anak ko na puwede kaming maligo sa ulan kapag unang beses sa buwan ng Mayo, matapos ang mahaba-habang tag-araw. Pero wala akong maalalang naligo ako sa Agua de Mayo noong bata pa ako. O baka sadyang marami lang akong hindi matandaan dahil siguro sa epekto ng mga gamot sa katawan ko.
Balik tayo sa kasalukuyan. Noong May 1, umulan nang malakas. Natuwa ako dahil ilang araw nang sobrang init at pakiramdam ko kung hindi ako matutuyot ay mamamatay na ako sa init. Kaya ipinasya kong isahod ang kamay ko sa mga patak ng ulan. Isang kamay muna, kaliwa. Nang maramdaman kong masarap ang tubig, ginawa kong dalawang kamay, hanggang sa binasa ko na rin ang buong braso. Nakita ko ang matandang kapitbahay na si Ate Linda na naliligo sa ilalim ng buhos ng alulod, at pagkatapos ay naligo ng sabaw ng buko. Nakita naman ako ng Mama ko, at dahil nag-aalinlangan ako kung maliligo rin o hindi, natuwa ako nang sabihin ni Mamang, "Lakad, maligo...tumapat ka dun sa malakas." Kakaiba ang pagkakataong iyon para sa akin, si Mama ang tipong sa sobrang paprotekta sa akin noong bata ako ay ayaw akong paliguin sa ulang ito. Sa galak ko sa pahintulot ni Mama ay parang bata akong naligo sa ilalim ng ulan--ang pinagpalang ulan ng Mayo--nag-iisa sa mundo, pinaglangkap na pagpapala ng Birheng Maria at ng pananampalatayang Pilipino. Napakasarap ng ligong iyon. Parang noon lamang ako naligo sa buong buhay ko. Ang sarap ng pakiramdam ng kalayaang tawirin ang tulay na buong buhay kong hinintay--sa wakas--pagligo sa ulan! Hindi ko alintanang noon ay naka-sando at shorts lamang akong manipis at kapag may mga lalaking dumaraan ay napapatingin. Pakiramdam ko, bata lamang ako.
Higit ang sayang naramdaman ko nang matapos ang ulan. Madalas akong nauulanan sa trabaho, pero iba pala talaga ang unang ulan ng Mayo. Sa karaniwang ulan, mabigat ang mga patak at mainit, at maya-maya'y nakasasakit na ng ulo, nakakaubo at nakakasipon at nakakalagnat. Pero sa paliligo kong ito, sinabi ko sa Mama ko, "Mama, iba pala talaga!" Parang bendisyon ng pari, ang eksaktong sinabi kong paglalarawan tungkol sa pakiramdam matapos akong maligo sa Agua de Mayo. Hindi ko maipaliwanag, pero iba ito sa maraming beses na naulanan ako. Mahiwaga talaga ang matatandang paniniwala. Ganoon pala. Iyon pala ang sinasabi nila. Minsan, talagang dapat ding paniwalaan ang mga sinaunang paniniwala, mga paniniwalang batay sa karanasan ng ating mga ninuno, at pilit na iwinawaksi ng modernong panahon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento