ni Grace Gonzales
Apat na araw na akong lumuluha dahil sa paglisan ng ating pinakamamahal na Hari ng Komedya, Rodolfo "Dolphy" Vera Quizon. Hindi maunawaan ng ilan ang pagbuhos ng masaganang luha sa mga mata ko nitong mga nakaraang araw, bata pa raw ako, bakit daw ako apektadong-apektado sa pagkawala ni Dolphy (na lihim kong tinatawag na Tito Dolphy keber kung hindi kami close!) Sa aking palagay, hene-henerasyon ang napaligaya ni Tito Dolphy. Henerasyong Facifica Falayfay. Henerasyong John en Marsha. Henerasyong Home Along da Riles.
Sa mga nabuhay noong dekada 90, sino ang makakalimot sa Home Along da Riles. Pihadong marami pa rin sa'tin ang kabisado ng kanta dun, "Home Along da Riles, Home Along da Riles, ito ang aming home sweet home...umuulan, lumilindol kumapit ka, kumapit ka, kung ayaw mong magkabukol...too-toot!" Masusukat ba kung gaano natin minahal ang karakter ni Mang Kevin na laging may nakahandang solusyon sa problema ng kanyang mga anak, at laging may mga payong nagpapakita ng mahahalagang aral sa buhay? Si Baldo, si Ason, si Mang Tomas na laging kumakanta't nagigitara at mga sunog-baga na larawan ng masa?
Tandaan nating hindi rin matatawaran ang pagganap niya sa "Markova, Comfort Gay" na pinarangalan pa sa Brussels. Nanalo siya dito ng Best Actor at Best Actress. Ang Facifica Falayfay na mala-Lady Gaga ng dekada 60, at ang makabuluhang pagganap niya sa "Ang Tatay kong Nanay," ni Lino Brocka na nagpakita ng noo'y sensitibo at bagong isyu ng isang baklang ama. At siyempre, pinakamalapit sa puso ko ang "Rosario" ni Albert Martinez kung saan gumanap siya bilang Tito Jesus ng mabuting presidente ng TV5 na si Manny V. Pangilinan. (Tungkol sa lola ni MVP ang Rosario.) Nanalo siya ng Best Supporting Actor dito sa huling pelikulang kanyang ginawa. Talaga namang siya ang nagpaluha nang husto sa mga taong nanood sa "Rosario," dahil sa husay ng kanyang pagganap.
Hindi ko mapaniwalaan ang isang propesor na siyang humarang sa pagkakaroon ng National Artist Award ni Dolphy noong 2009, na nagsabing kinutya ni Mang Dolphy ang mga bakla at ang masa. Baligtad ang pagtingin ng propesor na ito na sarado ata ang utak o sadyang hindi nakapanood o hindi marunong umintindi sa mga palabas at pelikulang Dolphy. Sa paningin ko, bagama't hindi ako kritiko ng pelikula o kasapi ng NCCA, dinakila pa nga ni Dolphy ang kabutihang-loob, kababaang-loob, kasipagan, at pagtitiyaga ng masa, at ipinakitang mas mahalaga ang pamilya kaysa sa yaman, ang kabutihan kaysa kasakiman. At ang tunay na kaligayahan ay wala sa materyal na bagay, kundi sa pagsasamahang maganda ng bawat pamilya.
Pero gaya ng paulit-ulit na nating naririnig sa telebisyon, wala ang karangalan sa pangalan ng award, sa plake at sa laurel. Nasa puso iyan ng tao. Kaya para akin, isang tunay na National Artist ng Pelikulang Pilipino si Mang Dolphy. Bukod pa sa tunay na napakabuti niyang tao, napasaya niya ang mga Pilipino iba't iba man ang edad. Tapos na ang Ginintuang Panahong Dolphy. Ang Ginintuang Panahon ng Komedya. Ang Ginintuang Panahon ng Tunay na Talento. His death marked the end of an era. Pero magpapatuloy ang alaala ng kanyang kabutihan at komedya sa puso ng bawat Pilipino.
Walang kamatayan ang komedya ni Dolphy. Walang kamatayan si Tito Dolphy.
Walang kamatayan ang komedya ni Dolphy. Walang kamatayan si Tito Dolphy.
Magpakailanman minamahal siya hindi lamang ni Zsazsa, kung hindi maging ng mga simpleng tao tulad ko, tulad naming lahat, na hindi nakapunta sa burol o libing, ngunit tunay na nagmamahal, umiiidolo, nagluluksa, makaaalala din sa kanya...habambuhay. Tunay na napakapalad nating lahat na inabot pa natin ang kariktan ng bituin ni Dolphy sapagkat nag-iisa siya, at dumaan man ang ilan pang dekada...siya pa rin ang tunay na HARI NG KOMEDYA.
MAHAL KA NAMIN TITO DOLPHY! MARAMING MARAMING SALAMAT PO!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento